Saturday, June 25, 2011

Ang Pangarap Kong Pilipinas

Noong panahon namin,
ang subject na Pilipino
maning-mani, ngayon sabi
ng mga bata, mahirap daw.
Ano na ang nangyari sa
balarila natin?
Noong bata-bata pa ako nasabi ko sa sarili ko na maganda rin sigurong manirahan sa ibang bansa gaya ng ibang mga Pilipino na doon napiling tumira lalo na't kasama ang pamilya.  Iba kasi sa ibang bansa gaya ng America, Canada, Australia o mga bansa sa Europa.  Napakaganda ng kanilang bayan - malinis, maluwag, may disiplina, maunlad.  Sa maikling salita, mas mainam kaysa dito sa Pilipinas.  Kapag iisipin mo nga naman, ang mga nakikita natin na karangyaan at kainaman ng buhay sa mga bansang iyon eh wala talaga sa kalingkingan ang inam kumpara sa buhay sa Pilipinas.  


Ngayon na ako ay medyo matanda-tanda na (paunawa po nasa denial stage pa po ako!)  naisip ko na oo nga tama nga silang mga Pinoy na nakatira na sa ibang bansa katulad ng mga nabanggit.  Ngayon nga, pati ang Middle East ay target na rin ng mga Pilipino, hindi man tumira doon subali't ang makapagtrabaho ng matagal kasama ang buong pamilya ay tunay ngang napakalaking ginhawa.


Noong June 19, 15oth na kaarawan ni Rizal, naisip ko na simulan ang blog na ito pero parang kagaya ng pag-usad ng progreso dito sa Pilipinas, nahawa na yata ang aking kamalayan at inabot ako ng siyam-siyam bago ko nagawa ang balak kong ito.  Ngayon pagkatapos ng anim na araw, naisulat ko na rin itong unang "post" sa blog na ito.


Dito isusulat ko ang mga pangarap ko para sa Pilipinas.  Sana abutan ko pa ang mga isusulat ko dito maski yung ilan lang...